Muling ipinanawagan sa gobyerno ng mga gurong miyembro ng ACT Teachers Partylist-NCR ang dagdag sahod at pondo sa edukasyon.
Ito’y sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa TRAIN Law, singil sa kuryente, tubig at pasahe sa jeep.
Naniniwala ang mga guro na magagawa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na taasan ang kanilang sweldo gaya ng pag-doble sa sahod ng mga sundalo, pulis at iba pang uniformed personnel.
Ayon kay ACT-NCR President Joselyn Martinez, hindi na nila mahihintay ang pangako ng gobyerno na pag-aralan sa taong 2020 ang kanilang hiling gayong magkakaroon na ng tax reform increase sa susunod na taon.
Samantala, nakabinbin sa kamara ang House Bill 7211 na layuning itaas ang sahod ng mga bagong guro sa 30,000 Pesos mula sa kasalukuyang 20,179 Pesos.