Doble rin ang inaasahan ng Alliance of Concerned Teachers o ACT Party-list Group sa suweldo ng mga guro.
Ayon kay ACT Party-list Representative Antonio Tinio, dapat lamang maging benchmark ang dobleng pasahod na ibinigay ng pamahalaan sa mga sundalo at pulis na epektibo na ngayong Enero.
Ayon kay Tinio, bagamat ikinalulugod nila ang pahayag ng Malacañang na itataas din ang suweldo ng mga guro, hindi naman aniya ito dapat itali sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN package 2 na isinusulong ng gobyerno sa Kongreso.
“Wine-welcome natin yung pronouncement sa pagtaas sa suweldo ng mga teacher, yung suweldo ng pulis at militar ay ipinatutupad na ngayon ang pag-doble, as far as we’re concerned dapat yan na yung benchmark, dapat ganun din ang ibigay sa teachers, hindi lang dapat teachers, dapat lahat ng government employees ay bigyan ng substantial na increase, ang ayaw natin parang ginagamit na pang-justify sa bagong tax reform package.” Ani Tinio
Kasabay nito, tiniyak ni Tinio na tuloy bukas ang paghahain nila ng petisyon sa Korte Suprema para kuwestyunin ang TRAIN Law.
Binigyang diin ni Tinio na anti-poor ang TRAIN Law kaya’t hindi ito dapat isinabatas.
“Tuloy po ang protesta natin sa TRAIN, nakikita na natin ang pagiging anti-poor nito, yung mabigat na tama sa nakararami lalo na yung mahihirap dahil tataas ang presyo lalo na yung basic goods and services.” Pahayag ni Tinio
(Ratsada Balita Interview)