Inihayag ng Department of Education (DepEd) na itinaas na ang honoraria o bayad sa mga gurong magsisilbi para sa nalalapit na May 9, 2022 National and Local elections.
Ayon kay DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla, base sa ibinabang order ng Comelec, madadagdagan ng P1-K ang matatanggap na honoraria ng mga gurong magseserbisyo sa darating na eleksiyon.
Dadagdagan din ang allowance ng mga guro kung saan, P2-K ang ibibigay para sa transportation allowance, P1-K para sa communication allowance at P500 naman para sa COVID-19 allowance habang mayroon ding medical at accident insurance.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, ang dagdag na honoraria at allowances ay resulta ng mahigit 100 taong pakikipagrelasyon ng kanilang ahensya sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Budget and Management (DBM).
Iginiit ni Briones na karapat dapat na mabigyan ng sapat na halaga ng pinansyal na suporta ang mga guro na nagsasakripisyo tuwing nagaganap ang eleksiyon. —sa panulat ni Angelica Doctolero