Hindi mangingimi ang Pambansang Pulisya na kasuhan ang mga Gurong kasapi ng ACT o Alliance of Concerned Teachers na mapatutunayang nakikiisa sa mga hakbanging mag-alsa laban sa pamahalaan.
Iyan ang tiniyak ni PNP Chief General Oscar Albayalde matapos na ibasura ng korte ang kasong isinampa ng ACT laban sa PNP bunsod ng ginagawa umanong profiling sa hanay ng mga guro.
Muling iginiit ng PNP Chief na walang ginagawang profiling ang kanilang hanay bagkus ito’y bahagi aniya ng Intellegence effort bilang bahagi ng kanilang mandato na protektahan ang estado mula sa mga kaaway nito.
Una nang inamin mismo ni CPP o Communist Party of the Philippines Founding Chairman Jose Maria Sison na kabilang ang ACT sa kanilang front organizations bagay na itinatanggi naman ng grupo.
Sa ngayon, sinabi ni Albayalde na nasa proseso na aniya sila ng pangangalap ng matitibay na ebidensya laban sa ACT matapos silang ma-absuwelto sa reklamo nito laban sa kanila.
Maliban sa paghahain ng kaso kung mapatutunayang sangkot ang mga guro sa rebelyon, sinabi ni Albayalde na patanggalan din nila ng lisensya ng mga ito.