Kinalampag ni Sen. Panfilo Lacson ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na resolbahin ang mga gusot sa pagpaparehistro para sa National ID.
Kasunod ito ng mga usapin at reklamo sa registration kung saan, inaabot ng siyam-siyam ang nagpaparehistro na dahilan kaya’t nagiging expose sila sa banta ng COVID-19.
Ayon kay Lacson, kailangang maresolba ang usapin kung ang talagang nais ng gubyerno na pahusayin at pabilisin naman ang paghahatid ng serbisyo gayundin ang upang magsilbi itong panlaban sa katiwalian at krimen.
Binigyang diin ng senador, nag-aaksaya lamang ng oras at panahon ang pamahalaan sa paglulunsad ng naturang proyekto kung hindi naman aaksyunan ang iba’t ibang mga problemang kinahaharap nito.
Maliban sa mahabang pila sa mga registration site, sinabi pa ni Lacson na usad pagong din ang internet connection na siyang lalong nagpapabagal sa proseso ng pagpaparehistro.