Sa gitna ng patuloy na pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, muling dumagsa ang mga nagpapabakuna sa ilang COVID-19 vaccination sites sa pagpapatuloy ng bakunahan matapos ang holiday season.
Kabilang sa dinumog ang Ramon Magsaysay High School sa Maynila kung saan karamihan ay nagpapa-booster o dagdag na dose.
Fully booked naman ang binuksang 4.5K slots kada araw sa Marikina City para sa booster shot o dagdag na dose hanggang January 14.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, simula ngayong araw ay magdaragdag sila ng 3 pang vaccination sites upang makamit ang target na 10K individuals kada araw.
Una nang ipinanawagan ni Vaccine Expert Panel Chairperson, Dr. Nina Gloriani sa publiko na magpabakuna na, lalo ang mga unvaccinated dahil kahit may mga bakunadong nahahawahan, maliit ang posibilidad na magkaroon sila ng malalang sintomas ng COVID-19.