Sinuspinde na ng PNP o Philippine National Police ang lahat ng gwardyang naka-duty sa entrance at exit ng Maxims Hotel at Newport Mall ng Resorts World Manila sa Pasay City nang mangyari ang pag-atake doon ng lone gunman na si Jessie Carlos.
Ito ang naging desisyon ng PNP-SOSIA o Philippine National Police – Supervisory Office for Security and Investigation Agencies matapos ang kanilang isinagawang imbestigasyon sa NC Lanting na siyang security provider ng Resorts World.
Ayon kay PNP-SOSIA Director Chief Superintendent Jose Mario Espino, bawal na ring magposte pa ang NC Lanting ng kahit na sino gwardya nila sa entrance at exit ng Maxims Hotel at Newport Mall.
Inihayag din ni Espino na nakakita sila nang limang (5) security lapses sa panig ng naturing security provider ng Resorts World:
Una, ang hindi pagsunod sa duty pairing kung saan tig-isang gwardya lang ang nakaposte sa entrance ng mall at nag pa-patrol noong mangyari ang pag-atake.
Ikalawa, ang pag-amin mismo ng NC Lanting na hindi sanay sa mall security ang babaeng gwardyang unang sumita sa gunman.
Ikatlo, ang hindi tamang uniporme na suot ng lady guard.
Ikaapat, ang pagpapahiram ng isa sa mga gwardya ng NC Lanting ng kanyang baril sa in house security ng Resorts World na ginamit sa pakikipag-engkwentro sa gunman.
At ikalima ang kawalan ng security plan ng NC Lanting.
Resorts World kumuha na ng international security experts
Desidido ang Resorts World Manila na ma-review at ma-overhaul ang security protocols nito kaya’t kumuha ito ng international security experts.
Kasunod na rin ito ng suspensyon ng PAGCOR sa Resorts World dahil sa anila’y palpak na pagtugon sa pag-atake ng lone gunman na si Jessie Carlos.
Kinuha ng Resorts World Manila ang serbisyo ng Blackpanda Security na humawak na sa mahigit isanlibong (1,000) mga misyon sa limampung (50) bansa.
By Jonathan Andal / Judith Estrada – Larino