Nagsagawa ng bibihirang public address si US President Barack Obama ukol sa mga banta ng terorismong kinakaharap ng Estados Unidos matapos ang mass shooting sa San Bernardino sa California na ikinasawi ng 14 na sibilyan.
Nangako si Obama na gagawin nito ang lahat ng paraan upang pigilan ang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa planong pag-atake ng mga ito.
Magpapatuloy rin aniya ang pagbibigay ng Amerika ng training at armas sa Iraqi at Syrian forces para pulbusin ang ISIS.
Tiniyak din ni Obama ang pakikipagtulungan sa mga kaalyado nito gaya ng Turkey upang maharang ang mga planong pag-atake maging ang pondong natatanggap ng ISIS.
Samantala, nanawagan din sa Kongreso si Obama na gawing pahirapan ang pagbili ng matatas na uri ng armas upang di na aniya maulit pa ang mass shooting sa California.
Hindi kontra Islam
Nilinaw din ni US President Barack Obama na ang laban kontra terorismo ng Estados Unidos ay hindi hindi aniya laban kontra Islam.
Iginiit ni Obama sa kanyang public address na ang Islamic State of Iraq and Syria ang kalaban ng Amerika na hindi naman kumakatawan sa relihiyong Islam.
Binigyang diin pa ng Pangulo ng Estados Unidos na marami ring Muslim ang galit sa ideolohiya ng ISIS.
Sa huli, kumpiyansa si Obama na magtatagumpay ang Estados Unidos sa kanilang misyong labanan ang terorismo dahil nasa panig aniya sila ng katotohanan.
By Ralph Obina