Ibibigay na ng Department of Health (DOH) sa Commission on Audit (COA) ang lahat ng hawak na dokumento at kasunduan hinggil sa pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19.
Tiniyak ni Health Secretary Office-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa pagdinig ng senado na isusumite nila ang mga dokumento mamayang tanghali.
Pero bago nito, nagkaturuan pa ang DOH at COA kung bakit hindi pa isinasailalim sa special audit ang vaccine procurement.
Sinabi ni Vergeire na sina dating Health Secretary Francisco Duque III at dating Vaccine Czar Carlito Galvez ang mismong humiling ng special audit at hindi kailanman inihayag ng DOH na hindi maaaring mag-audit ang COA.
Sinulatan umano ni Duque para sa special audit si dating COA Chairman Michael Aguinaldo.
Gayunman, inihayag ni Joycelyn Ramos mula sa COA na totoong hiniling ang special audit subalit simula noong 2021 hanggang ngayong December 6, 2022 at hindi sila binigyan ng kumpletong dokumento bagkus ang edited version lamang ng kontrata ang kanilang natanggap.
Paliwanag naman ni Vergeire, hiningan kasi nila ng panig ang vaccine manufacturers, gaya ng Pfizer at Astra Zeneca dahil nasa kanilang kontrata na dapat silang abisuhan at hingan ng permiso kung ibabahagi ang dokumento sa audit at sa publiko. - mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)