Naglunsad na rin ng protesta ang mga kawani ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Santa Cruz, Maynila upang igiit sa Department of Health na tapos na ang sampung araw na deadline sa pagbibigay ng kanilang mga benepisyo.
Ayon kay Dr. Margarita Esquivel, Pangulo ng unyon sa Fabella, iilan lamang sa kanila ang nakatanggap ng Special Risk Allowance at wala pang meals, accommodation and transportation allowance maging ang active hazard duty pay.
Umaapela na anya sila kay Health Secretary Francisco Duque na bumaba na ito sa puwesto dahil kakasuhan nila ito ng negligence at incompetence lalo’t hindi lamang umano sa benepisyo nagpabaya ang DOH.
Nag-rally din ang mga taga-Research Institute for Tropical Medicine na pawang wala pa ring natatanggap na mga benepisyo sa kabila ng mahalagang papel sa pagsusuri ng COVID-19 transmission. —sa panulat ni Drew Nacino