Binuweltahan ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman si Camarines Sur 2nd District Rep. Lray Villafuerte hinggil sa pahayag nito na dapat gamitin sa alternative learning ng mga mag-aaral ang mga nabakanteng frequencies ng ABS-CBN.
Ayon kay Lagman, hindi napapanahon ang mungkahi ni Villafuerte dahil sapat naman ang mga pagmamay-aring frequencies ng pamahalaan para gamitin sa alternative learning.
Partikular na tinukoy ni Lagman ang mga provincial stations ng government owned People’s Television Network (PTV) at Radyo Pilipinas na nakaaabot saan mang panig ng bansa.
Nandiyan din aniya ang IBC 13 na may mga himpilan din ng telebisyon at radyo sa iba’t ibang panig ng bansa na maaari ring magamit sa mga programang pangedukasyon ng pamahalaan.