Hiniling ng Makabayan Bloc sa kamara na silipin at imbestigahan ang Department of Education (DepEd) kasunod ng mga inilabas na findings ng Commission on Audit (COA) para sa nakalipas na taon.
Batay sa inihaing House Resolution 2128, inatasan nito ang House Committees on Public Accounts at basic education and culture na silipin kung paano ginastos ng DepEd ang kanilang 2020 budget kabilang na rito ang alokasyon para sa COVID response.
Batay sa ulat ng COA, hindi umano nagamit ng DepEd ang mahigit P3 bilyong pondo nito sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 para sa basic education learning continuity plan.
Bigo ring maipalabas agad ng kagawaran ang pondo para naman sa kanilang regional offices na nagkakahalaga ng mahigit P950 milyon.
Nakita rin ng Makabayan Bloc sa ulat ng COA na may mahigit P300 milyon ring hindi ginastos ang DepEd na nakalaan naman sa pitong regional offices nito.