Nanawagan ang Makabayan Bloc sa Kamara na pa-imbestigahan ang Department of Education (DepEd) kasunod ng mga inilabas na findings ng Commission on Audit (COA) para sa nakalipas na taon.
Sang-ayon sa inihaing House Resolution 2128, inatasan nito ang House Committees on Public Accounts at Basic Education and Culture na silipin kung paano ginastos ng DepEd ang kanilang 2020 Budget kabilang na rito ang alokasyon para sa pagtugon kontra COVID-19.
Mababatid na batay sa ulat ng COA, hindi umano nagamit ng DepEd ang mahigit P3-B ng pondo nito sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2 para sa Basic Education Learning Continuity Plan.
Bukod dito, bigo ring maipalabas agad ng kagawaran ang pondo para naman sa kanilang regional offices na nagkakahalaga ng mahigit P950-M at iba pang kahina-hinalang aksyon. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)