Dumipensa ang Philippine National Police (PNP) sa ulat ng Commission on Audit (COA) hinggil sa mga umano’y hindi nagalaw na pondo ng National Task Force to End Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC para sa PNP noong 2020.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, hindi aniya kapabayaan at lalong hindi anomalya ang dahilan kung bakit hindi agad nagastos ang naturang pondo.
Nabatid sa COA report na may sumobra pang mahigit na P400 milyon ang PNP para sa anti-communist insurgency projects nito mula sa kabuuang mahigit P700 milyong pondo na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM).
Inamin pa ni Eleazar na dahil sa pandemiya ay nailabas lang ang pondo noong Oktubre 2020 subalit hindi pa ito maaaring gastusin lahat sa nalalabing dalawang buwan dahil sa mahigpit na polisiya sa paggastos ng pondo.
Pagtitiyak ng PNP Chief sa COA, maibabalik sa gubyerno ang hindi nagamit na pondo at walang kahit isang sentimo ang napunta sa katiwalian.