Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang pamunuan ng kanilang elite unit na Special Action Force (SAF) na alamin kung anu-ano pa ang mga nakabinbing kontrata sa kanilang unit.
Ito’y matapos lumabas sa ulat ng Commission on Audit (COA) na mayroon pa silang mga biniling kagamitan na hindi pa natatanggap sa ilalim ng Capability Enhancement Program na tinatayang nasa P1.6 bilyong ang halaga.
Batay sa 2020 COA report, nakasaad na hindi pa umano natatanggap ng SAF ang mga biniling kagamitan nito tulad ng troop carriers, armored vehicles, machine guns, rifles, granada, rocket launchers, pistols, mortar, parachutes, tactical vests at iba pa.
Kaya naman inirekumenda ng COA sa SAF na i-terminate na ang Mayo 29 na kontratang pinasok nito sa iba’t ibang supplier dahil sa kabiguan nilang maihatid sa tamang oras ang mga kinakailangang kagamitan.
Kasunod nito, sinabi ng PNP Chief na sumasangguni na siya sa kanilang Legal Service upang malaman kung ano ang mga susunod nilang hakbang. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)