Tatanggap rin ng P8,000 cash aid ang may 150,000 pamilya sa Pasig na hindi kasama sa social amelioration program ng pamahalaan.
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, nasa 260,000 na pamilya sa Pasig ang nangangailangan ng ayuda subalit nasa 93,000 lamang ang nakasama sa cash aid ng national government.
Dahil dito, sinabi ni Sotto na posibleng isantabi muna nila ang ilan sa kanilang mga proyekto upang mapondohan ang cash aid para sa iba pang pamilya na nangangailangan.
Sa ngayon, sinabi ni Sotto na mayroon na silang 196 na confirmed cases ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) 20 rito ang nasawi.
May 192 persons rin anya ang under investigation at 40 ang under monitoring.
Sinabi ni Sotto na sinimulan na rin nila ang sarili nilang mass testing at tinatayang 50 hanggang 60 katao ang puwede nilang i-COVID test kada araw.
At dahil dito, nagsisimula na anya silang maghanap ng karagdagang quarantine facilities.