Aminado ang National Task Force (NTF) Against COVID-19 na mahirap hanapin ang mga mamamayang hindi pa bakunado kontra COVID-19.
Ayon kay Testing Czar Secretary Vince Dizon, 90 million ang target nilang mabakunahan hanggang Hunyo at nasa 61.5 milyon pa lamang ang naturukan ng COVID-19 vaccine.
Mayroon pa anyang halos tatlong milyong senior citizens na hindi pa rin nababakunahan kaya ito ngayon ang tinututukan ng Department of Health (DOH).
Dagdag pa ni Dizon, napansin nila na habang papalapit sa target number ang bilang ng mga nabakunahan ay pahirapan namang hanapin ang mga unvaccinated.
Samantala, bukod sa senior citizens ay tinututukan din ng NTF Ang pagtuturok ng booster dahil marami pa ang hindi naka-aalam kung ano talaga ang halaga nito matapos makatanggap ng primary at secondary doses. —sa panulat ni Mara Valle