Hindi nakaligtas sa operasyon ng COMELEC o Commission on Elections ang kaliwa’t kanang paglabag sa campaign rules sa unang araw ng kampanya para sa national positions.
Ayon sa COMELEC, bukod sa mga naglipanang campaign posters at mga kalat mula sa mga political events, mayroon ding idinaos na hindi otorisadong mga aktibidad.
Nalikom naman ang mahigit sampung truck ng basura sa bahagi pa lamang ng Metro Manila mula sa mga illegal posters sa iba’t ibang lugar.
Karamihan sa mga pinagbabaklas ng komisyon ay mga “giant posters” at banners na nakalagay sa labas ng mga common poster area.
Election propaganda bawal sa mga sinehan
Nagpapaalala ang COMELEC o Commission on Elections sa mga mall owners na bawal na ang kahit na anong uri ng election propaganda sa mga sinehan.
Ito’y kasabay ng pagsisimula ng campaign period ng national candidates para sa 2019 midterm elections.
Nagpadala ng sulat si COMELEC Spokesman James Jimenez sa mga mall owners kung saan ipinaliwanag nito ang COMELEC Resolution 10488 o Fair Elections Act na nagbabawal sa pagganap sa isang karakter ng mga kandidato sa eleksyon sa mga palabas, display at exhibit sa mga sinehan at iba pa.
Ibinahagi ni Jimenez ang naturang liham sa kanyang twitter account at hinimok ang lahat ng mall owners na makipagtulungan sa pagpapatupad ng nabanggit na campaign rule.