Mahigpit nang ipinagbabawal ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang paglikha at pagbebenta ng mga imahe ng santo mula sa ivory o kahalintulad na bahagi ng katawan ng hayop.
Sa isang kalatas, sinabi ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP President Archbishop Soc Villegas, hindi dapat bigyang dahilan ng simbahan ang mga pumapatay ng mga hayop para gawing imahe ng mga santo o banal ang parte ng kanilang mga katawan.
Dahil dito, hinimok ng arzobispo ang mga obispo na magpalabas ng direktiba sa mga pari na huwag basbasan o tumanggap ng mga imahe na yari sa ivory o mga kahalintulad.
Binigyang diin ni Villegas na tulad ng mga tao, nilikha rin ng Diyos ang mg hayop upang maging katuwang nito sa pangangalaga sa kalikasan kaya’t anuman ang rangya o ganda ng hitsura ng mga imaheng mula sa parte ng kanilang katawan ay imoral at hindi katanggap-tanggap.
Magugunitang umaani ng batikos ang simbahan dahil sa nauubos na populasyon ng ilang hayop tulad ng elepante kung saan, ginagamit ang mga husk nito para gawing imahe ng santo.
By Jaymark Dagala