Wala pang nakikitang anumang senyales ang NPC o National Privacy Commission na ginagamit o nagamit na sa masama o iligal ang mga impormasyon kaugnay sa umano’y passport data breach ng DFA o Department of Foreign Affairs.
Sinabi ni Privacy Commissioner Raymund Liboro na isa sa mga dapat na ma-imbestigahan ay kung sino ang kasalukuyang may hawak ng mga naturang impormasyon, otorisado man ito o hindi.
Agad naman anya itong matutukoy lalo na at bubuksan na ang pormal na imbestigasyon ng ahensya hinggil sa pangyayari.
“Sa ngayon ay wala pa kaming nakikita ng ano mang senyales na ito’y ginagamit or nagamit na sa masama”.
Samantala, posible naman anyang makulong at pagmultahin ang sinumang mapatunayang tumangay o di awtorisadong kumuha ng mga impormasyon o unauthorized processing of personal data na nakasaad sa probisyon ng batas.
“Meron ho tayong tinatawag na “unauthorized processing of data”. Ito po ay mayroong katumbas na prison term at fines kung ikaw ay mapapatunayan na lumabag dito.”
(from Ratsada Balita interview)