Pina-bo-boycott na ng grupo ng mga mangingisda ang mga imported galunggong o “G-G” na kahit mura ay may masama namang epekto sa kalusugan.
Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA, unti-unting papatayin ng importasyon ang lokal na fish industry sa halip na makatulong.
Hindi rin kumbinsido ang Pamalakaya sa pahayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na mayroon lamang mababang lebel ng formalin ang galunggong mula China o Taiwan.
Imposible anilang tumagal ng ilang buwan ang “G-G” nang walang halong kemikal upang mapanatili itong sariwa na katulad ng tuna ay madaling masira o mabulok.
Una ng inaprubahan ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang Fisheries Administrative Order 195 upang mag-import ng 17,000 metric tons ng galunggong mula China, Vietnam at Taiwan simula Setyembre 1.
—-