Dudulog sa Korte Suprema ang mga ina ng dalawa sa apatnapu’t apat (44) na miyembro ng Philippine National Police – Special Action Force o PNP – SAF na nasawi sa Mamasapano noong 2015.
Sa tulong ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC, maghahain ng petition for certiorari sina Felicitas Nacino at Helen Ramacula laban kina Ombudsman Conchita Carpio – Morales, dating Pangulong Noynoy Aquino, dating PNP Chief Director General Allan Purisima, at dating Special Action Force Director Getulio Napeñas.
Nakasaad sa petisyon ang pagpapawalang bisa sa resolusyon ng Ombudsman na nagpapalabnaw sa kasong isinampa laban kina Aquino, Napeñas at Purisima kaugnay ng pagkamatay ng tinaguriang SAF 44.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, sa halip na Usurpation of Authority, apatnapu’t apat (44) na kaso ng Reckless Imprudence Resulting to Multiple Homicide ang dapat na isinampang kaso ng Ombudsman laban sa tatlo.
Sinabi ni Topacio na maaaring magamit ang petisyon nilang ito para sa ihahaing impeachment complaint laban kay Morales.