Nilinaw ng Department of Health (DOH) na maaari pa ring magpabakuna kontra COVID-19 ang mga indibidwal na mayroong allergies basta’t kailangan ng clearance mula sa kanilang doktor.
Ito’y matapos mapaulat ang umano’y ilang allergic reactions sa bakuna ng Pfizer, bagama’t una nang nag-abiso ang kumpanya sa mga otoridad na huwag bigyan ng kanilang bakuna ang mga indibidwal na mayroong malubhang allergic reactions sa mga gamot.
Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tinutukoy rito ang mga indibidwal na mayroong anaphylactic shock o allergic reaction kung saan nakakaranas ng hirap sa paghinga, pagbilis ng pagtibok ng puso at pamamaga ng lalamunan dahilan para mabarahan ang daanan ng hangin.
Ani Vergeire sa mga ganitong klase ng allergic reaction ay talagang mapanganib na mabakunahan
Kaya payo ni Vergeire sa mga indibidwal na mayroong allergy sa pagkain at gamot, humingi ng assessment o sertipikasyon sa kanilang mga doktor bilang patunay na hindi magiging lubos na mapanganib para sa kanila ang mabakunahan kontra COVID-19.