Tuloy-tuloy ang isinasagawang rapid testing para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ng mga kawani ng Manila Health Department (MHD) sa mga indibidwal na na-rescue at kasalukuyang nakalagak sa Manila Boystown Complex.
Ayon sa city health officer ng lungsod ng Maynila na si Dr. Arnold Pangan, nasa 100 na ang kanilang nasuri, kahapon, 7 ng Hulyo.
Dagdag pa ni Pangan, target ng pamunuan na maisailalim sa rapid testing ang higit 600 mga indibidwal sa Boystown.
Ang naturang testing ay isinasagawa ng lungsod ng Maynila, para matiyak na ligtas sa nakamamatay na virus, ang mga na-rescue ng social welfare department ng Maynila at ng Manila Police District.
Samantala, oras namang magpositibo sa COVID-19 ang sinumang sumailalim sa rapid test, ay agad nilang dadalhin sa mga quarantine facility at isasailalim naman sa swab testing.