Pinaiimbestigahan ng Makabayan Bloc sa Kamara ang kaso ng pang-aabuso at pagkamatay ng Pinay OFW na si Joanna Demafelis sa kamay ng kaniyang mga amo sa bansang Kuwait.
Sa ilalim ng House Resolution 1708, hiniling nila sa House Committee on Overseas Worker’s Affairs na silipin na ang usapin lalo’t tila inaamag na ang MOU o Memorandum Of Understanding sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para pangalagaan ang kapakanan ng mga OFW na nagtatrabaho ruon.
Kasunod nito, hinamon pa ng Makabayan Bloc ang administrasyon na isapubliko ang lahat ng mga nilagdaang kasunduan ng Pilipinas sa Kuwait upang matiyak kung tunay bang mabibigyang proteksyon ang mga OFW mula sa kanilang mga mapang-abusong amo.
Binatikos din ni Gabriela Rep. Emmie de Jesus ang tila pakikipagnegosasyon ng Pilipinas sa Kuwait dahil sa taliwas iyon sa nais ipatupad na deployment ban ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang bansa.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Jill Resontoc
Posted by: Robert Eugenio