Pumalo na sa higit 81,000 indibiduwal ang mga inilikas dahil sa pag-aalburoto ng bulkang Mayon.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan, halos 70,000 sa mga residenteng inilikas ay nasa loob ngayon ng 69 na evacuation centers.
Habang ang 11,000 iba pa ay nanunuluyan sa kani-kanilang mga kaanak o di kaya’y nasa mga temporary shelters na tinayo ng mga residente sa labas ng evacuation area.
Tiniyak ng NDRRMC na may sapat na pagkain at suplay para sa mga residente.
Katunayan bukod sa 36,000 family food packs na ipinadala na nila noon, mayroon pang ikinakaraga ngayon ang Philippine Coast Guard na 7,400 food packs patungong Albay.
Tiniyak pa ng NDRRMC na may mga doktor at nurses mula DOH na sumusuri sa kondisyon at namimigay ng gamot sa mga evacuee.
—-