Aminado ang Commission on Elections (COMELEC) na magiging mahirap ang pag-usig sa mga insidente ng vote buying na napapaulat sa social media.
Ito, ayon kay COMELEC Commissioner George Garcia, ay kung walang mga taong nagbibigay ng kanilang testimonya.
Bagaman sapat anya ang mga social media post upang magsagawa ng imbestigasyon ang Anti-Vote Buying Task Force, hindi naman uusad ang kaso kung walang testimonya mula sa mga taong kumuha ng video.
Inihalimbawa ni Garcia ang mga naunang kaso kaugnay sa vote buying na hindi umusad dahil umatras ang mga complainant habang itinuring na walang kredibilidad ang ilang ebidensya.
Ipinaliwanag ng poll official na para maberipika ang isang video, dapat itong ipadala sa investigation team o COMELEC field personnel upang maging sarili nilang documentary evidence.
Una nang nagtatag ang poll body ng Task Force kontra Vote Buying na pangungunahan ng national Bureau of Investigation habang ang Department of Justice (DOJ) ang magsisilbing taga-usig sa kaso.