Tatalakayin sa pulong ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang ipinatutupad na limitasyon sa mga religious gatherings o pagtitipon sa mga simbahan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, siya mismo ang magsusulong sa usapin sa kanilang nakatakdang pulong ngayong araw.
Partikular aniya rito ang hinaing ng Simbahang Katolika sa limitadong bilang lamang ng mga maaaring makibahagi sa misa o anumang aktibidad sa simbahan sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ at GCQ.
Una rito, hinimok ni Roque ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na makipag-ugnayan sa IATF at magsumite ng panukala kung paano maipatutupad ang physical distancing sa mga pagtitipon sa simbahan.
Ito ay matapos namang tawagin ni Manila Archdiocese Apostolic Administrator Bishop Broderick Padilla na katawa-tawa at hindi makatuwiran ang patakaran ng IATF kung saan limitado lamang hanggang limang tao ang maaaring dumalo sa mga pagtitipon sa mga lugar na nasa MECQ.
Habang hanggang 10 lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.