Itatampok ng PAGCOR o Philippine Amusement and Gaming Corporations ang mga ipinagmamalaking tradisyon, kapistahan at kultura sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Ito ay sa pamamagitan ng kanilang isasagawang grand musical competition na tinaguriang Pili-Pilipinas o Piliin ang Pilipinas; isang PAGCOR musical na gaganapin sa ikalawa ng Setyembre sa tanghalang Nicanor Abelardo, Cultural Center of the Philippines sa Pasay City.
Lalahukan ito ng mga mahuhusay na empleyado ng PAGCOR mula sa mga tanggapan at satellite operations group ng Casino Filipino sa angeles, Bacolod, Cebu, Davao, Ilocos, Olongapo, Tagaytay, Metro Manila at iba pang mga corporate offices.
Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Andrea Domingo, 11 grupo mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas ang magpapakita ng mga kilalang festivals, alamat at tradisyunal na sayaw ng bansa.
Ilan aniya sa mga halimbawa ng festivals ay panaad, panagbenga at pintados; Biag ni Lam-ang, Ulo ng Apo at Maria Sinakuan sa mga Alamat; at Aswang at Darna para sa mga kilalang Pinoy characters.
Binigyang diin naman ni Assistant Vice President for Entertainment Jimmy Bondoc na layunin ng naturang musical competition ang itaguyod ang mga magagandang kultura, sining at tradisyong Pilipino.
Maliban dito, magkakaroon din ang PAGCOR ng grand raffle draw kung saan maaaring mapanalunan ng mga panauhin ang isang 2017 Toyota Innova sa grand prize, Toyota Corolla Altis para sa second prize at 2017 Kawasaki motorcycle sa third prize.