Naniniwala ang Philippine National Police o PNP na may kinalaman sa eleksyon sa susunod na taon ang mga ipinakalat na tarpaulin na may nakalagay na “Welcome to the Philippines, Province of China”.
Ayon kay PNP Spokesperson Senior Superintendent Benigno Durana Jr., “gimik” lamang ito ng mga kritiko o mga nais sumira sa administrasyong Duterte.
Sinabi ni Durana, malinaw na layon lang ng nasabing istratehiya na sirain ang imahe ng mga kandidato ng administrasyon para magduda sa kanila ang publiko.
Matatandaang nakita ang mga nasabing mga tarpaulin sa footbridge sa Quezon Avenue, C-5 Road, Airport Road, Pasay Rotonda at Commonwealth.
“Kasama ito sa nalalapit na eleksyon at marami pang mga ganitong klaseng mga gimik ang makikita natin, sa tingin po natin ay hindi ito serbisyo sa ating bansa dahil pinapakalat natin ‘yung kasinungalingan at sa panig ng PNP, ito po ay iniimbestigahan natin, malalaman po natin kung sino ang may gawa nito, hindi po ito nakakabuti sa ating bansa sa ngayon.” Pahayag ni Durana
(Balitang Todong Lakas Interview)