Nagpapasalamat ang Philippine National Police (PNP) sa lahat ng mga nagpaabot ng kanilang sentimiyento at saloobin sa muling pagbubukas ng kontrobersyal na dolomite beach sa lungsod ng Maynila.
Ito ay makaraang umani ng kaliwa’t kanang reklamo at mungkahi ang mga awtoridad sa kung paano maisasaayos ang pagpapanatili sa lugar matapos dumugin ito ng publiko nitong nakalipas na mga araw.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, patunay lang ng mga inihayag na saloobin na ito ang pagmamalasakit ng bawat Pilipino sa kanilang kapwa para mapag-ingat pa rin mula sa banta ng COVID-19 kahit niluluwagan na ang galaw ng publiko.
Naniniwala siyang paraan ito upang maitama ang mga mali at mapag-ibayo pa ang mga ginagawang hakbang upang mapaganda pa ang maibibigay na serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan ngayong nasa gitna ang bansa ng paglaban sa pandemiya.
Una nang inilahad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magpapatupad sila ng mala sinehang hakbang kung saan, bibigyan ng ticket ang mga nagnanais makapasok sa dolomite beach upang limitahan sa dalawang oras ang kanilang pananatili at mapagbigyan ang iba pa na makapasok.
Maliban dito, ipinagbawal na rin ng IATF ang pagpapapasok sa mga batang may edad 11 pababa upang ilayo sila sa posibleng hawaan dulot ng pagdagsa ng mga bumibisita sa nasabing dalampasigan.