Binulabog din ng mga ipo-ipo o waterspout ang ilang residente sa mga lalawigan ng Cebu at Bohol matapos ang malakas na pag-ulan sa mga naturang lugar, kahapon.
Namataan ang unang ipo-ipo sa baybayin ng bayan ng San Francisco sa Camotes Islands, Cebu pero nilinaw ng Pagasa na alanganing buhawi o ipo-ipo ito dahil hindi umikot ang hangin bagkus isa lamang itong makapal na cumulonimbus cloud.
Isa ring ipo-ipo ang namataan sa Argao, Cebu maging sa Tagbilaran City at Bayan ng Dauis, Bohol dakong alas-diyes ng umaga.
Bukod dito, sumulpot din ang isa pang ipo-ipo sa bahagi ng Panglao Island.
Wala namang nasaktan dahil hindi naman nagtagal ang mga nasabing ipo-ipo.