Dalawang “isnaberong” taxi driver na ang nahuli ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board bilang bahagi ng ‘oplan isnabero’ ngayong holiday season.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez, inilabas na ang inspection report summons sa mga nahuling tsuper at isang hearing ang itatakda.
Maaari ring pagmultahin ng P5,000 pesos ang mga nasabing taxi driver na hindi naman pinangalanan ni Ginez.
Ipinakalat ang mga tauhan ng LTFRB sa mga taxi bay ng mga shopping mall sa Quezon City, Mandaluyong City at Makati City upang manghuli ng mga driver na tatangging magsakay ng mga pasahero.
Samantala, binuo rin ng ahensya ang Oplan Krismas 2015 at team na magmomonitor at inspeksyon sa bus terminal sa Metro Manila sa kasagsagan ng pagdagsa ng mga pasahero na magpa-Pasko sa mga probinsya.
By Drew Nacino