Sinermunan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga jeepney driver at operator na lumahok sa ilang transport strikes.
Ito’y makaraang basahin ni L.T.F.R.B. Board Member, Atty. Aileen Lizada ang mga reklamong inihain laban sa mga miyembro ng PISTON sa hearing kahapon.
Ayon kay Lizada, hindi sila magsasawang ipaalala sa mga tsuper na kakanselahin ang kanilang prangkisa sa oras na mapatunayang lumahok sa mga tigil pasada.
Iginiit ng opisyal na kahit nirentahan lamang ang ilang jeep upang lumahok sa mga strike, dapat ay mag-apply muna para sa isang special permit lalo’t hindi naman pinapayagan ang mga jeep na bumiyahe nang wala sa kanilang itinalagang ruta.
Bagaman hindi sumipot si PISTON President George San Mateo sa hearing, tiniyak naman ni Lizada sa mga driver na dumaan sa tamang proseso ang mga reklamo laban sa kanila.