Abala na sa paghahanda ang ilang tsuper ng jeepney na umaasang makababalik na sa pamamasada simula sa Lunes, Hunyo 29.
Ilang jeepney drivers sa Quezon City ang nakitang dinidisinfect ang kanilang mga sasakyan at nilalagyan ng plastic partition upang mapanatili ang physical distancing.
Bumili na rin ang mga ito ng alcohol, foot mat, thermal scanner para sa mga sasakay na pasahero at log book para naman sa contact tracing.
Aminado ang ilang tsuper na dagdag gastusin ito para sa kanila subalit kanila itong tatanggapin upang makabalik lamang sa pamamasada at may mai-uwi nang kita para sa kanilang pamilya.
Kahapon, dinagsa ng mga jeepney driver ang tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa East Avenue upang kumuha ng special permit para sa kanilang magiging ruta sa darating na Lunes.
Una nang iginiit ng Inter-Agency Task Force (IATF) na malabo pa ring makapasada ang mga jeepney sa paniniwalang hindi nito maaabot ang standards para mapigilan ang pagkalat ng virus.