Muling maglulunsad ng tigil-pasada ang mga jeepney operator sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa sa Pebrero 19 laban sa “Oplan Tanggal Bulok, Tanggal Usok.”
Nilinaw ni PISTON President George San Mateo na ang isasagawang protesta mula Welcome Rotonda sa Quezon city Hanggang Mendiola, Maynila ay walang intensyon na i-paralisa ang mga biyahe ng jeep.
Ayon kay San Mateo, inaasahan na nila na ang mga lalahok sa protesta ay ang mga driver na pinagbawalan ng bumiyahe dahil sa “Oplan Tanggal Bulok, Tanggal Usok.”
Maglulunsad din ng kahalintulad na protesta sa Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Bicol, Davao, Cagayan de Oro at Baguio City.
Samantala, tinawag namang pekeng programa ng “No To Jeepney Phaseout Coalition” ang kampanya ng gobyerno kontra sa mga luma at kakarag-karag na mga jeep.
Posted by: Robert Eugenio