Umapela ang mga kaalyado ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Commission on Elections (COMELEC) na baligtarin ang nauna nitong kautusan at payagan silang busisiin ang unang petisyon laban sa dating senador.
Sa isang Motion for Partial Reconsideration, inihirit ng mga miyembro ng partido Federal ng Pilipinas sa COMELEC 2nd division na isantabi ang kautusang nagbabasura sa lahat ng Motions for Intervention sa unang petisyong humihiling na kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, ang motion to intervene ay hindi isang pagtatangka na maghain ng atrasadong sagot sa panig ng dating ilocos norte governor, bagkus nais nilang magkaroon ng matibay na rason para sa intervention.
Una nang humiling ang ilang pro at anti-marcos group, na mamamagitan sa petisyong inihain ng mga civic leaders sa pangunguna ni christian buenafe.
Gayunman, ipinunto ng 2nd division sa pangunguna nina COMELEC Commissioners Antonio Kho at Socorro inting na kung papayagan ang mga pro at anti-marcos intervenors ay made-delay ang resolusyon ng main petition.