Nanawagan sa publiko ang mga kaanak ng mga pasaherong sakay ng Cessna aircraft na patuloy pa ring pinaghahanap ng mga otoridad matapos mapaulat na nawala.
Matatandaang umalis mula sa Cauayan City Airport ang Cessna 206 RP-C1174 sakay ang anim na pasahero kabilang na ang piloto nito at patungo sana sa bayan ng Maconacon, Isabela pero hindi umano ito nakalapag sa lugar.
Ayon kay Anna May Kamatoy, isa sa mga kaanak ng mga nawawalang pasahero, magkahalong sakit at pag-asa ang kanilang nararamdaman na sana’y buhay pa ang mga ito at makakabalik sa kanilang mga mahal sa buhay.
Nanawagan din ang pamilya ng mga biktima na itigil na ang pagpapakalat ng maling impormasyon at ipagdasal na lang ang buhay ng mga sakay na pasahero.
Sa ngayon, patuloy pang nagsasagawa ng aerial inspection ang pamunuan ng CAAP para hanapin ang nawawalang aircraft.