Ikinatuwa ng mga kaanak ng nasawing SAF 44 commandos ang naging panawagan ni Solicitor General Jose Calida.
Ito’y makaraang sabihin ni Calida na dapat masampahan ng mas mabigat na kaso sina dating Pangulong Noynoy Aquino gayundin ang mga dating opisyal na nasa likod ng madugong Oplan Exodus sa Mamasapano Maguindanao, tatlong (3) taon na ang nakalilipas.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, isa sa mga abogado ng pamilya ng SAF 44, titiyakin nilang hindi kailanman mababaon sa limot ang naturang insidente at papapanagutin aniya nila dito ang lahat ng mga nasasangkot kabilang na ang dating Punong Ehekutibo.
Magugunitang humingi na sila ng temporary restraining order o TRO sa Korte Suprema para pigilan ang pagdinig upang hindi maging double jeopardy makaraang maging usurpation of authority lamang at kasong graft ang inirekumenda ng Ombudsman laban kay Ginoong Aquino.
Sa kabilang dako, ibinunyag sa DWIZ ng ama ni Police Senior Inspector John Gary Erania na si Rico na hindi pa rin nila natatanggap ang kabuuan ng survivor’s pension na ipinangako sa kanila ng dating administrasyon.
Korte Suprema tila tulog sa pansitan kaugnay ng kaso ng SAF 44 – DOJ
Patuloy na umaasa ang Department of Justice o DOJ na pakikinggan pa rin sila ng Korte Suprema sa kanilang hirit na mailipat sa Maynila ang mga kasong may kaugnayan sa madugong Mamasapano massacre sa Maguindanao.
Ito ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, sabay pagtitiyak na hindi nila tutulugan ang naturang kaso na isinampa laban sa walongpo’t walong (88) suspek sa pagpatay sa apatnapo’t apat na (44) SAF troopers at animnapung (60) iba pa.
Magugunitang dalawang (2) beses nagpadala ng liham ang DOJ sa Korte Suprema partikular na kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno para hilinging ilipat sa Maynila ang pagdinig sa kaso mula sa Shariff Aguak Regional Trial Court (RTC).
Ngunit hanggang ngayon, sinabi ni Aguirre na mistulang natutulog lamang sa pansitan ang kanilang inihaing mga petisyon sa High Tribunal na siyang lalong nagpapabagal sa pag-usad ng mga kasong kriminal sa may walongpo’t walong respondents.