Nanawagan si Basilan lone district representative at deputy speaker Mujiv Hataman sa mga kabataan na maging mapanuri hinggil sa kasaysayan ng batas militar, kasabay ng paggunita sa ika-36 na taon ng 1986 EDSA People Power Revolution ngayong araw.
Hinimok ni Hataman ang mga kabataan na huwag maniwala sa laganap na maling impormasyon sa social media, manaliksik nang mabuti at maging instrumento upang maibunyag ang katotohanan.
Aniya, sa Mindanao pa lamang ay napakarami nang biktima ng massacre, pagpapahirap at panggagahasa noong panahon ng martial law at maging sa hanay ng mga Moro.
Ipinunto pa ni Hataman na responsibilidad ng mga kabataan na alamin ang katotohanan, hindi lamang para sa sarili, kundi para na rin sa kinabukasan ng bayan.—mula sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)