Hindi dumaan sa pagsusuri ng anumang ahensya ng gobyerno kung may panganib sa National Security; kung may virus; at kung kayang i-access ng gobyerno ng China ang mga equipment na binili sa China ng National Grid Corporation of the Philippines.
Ito ang lumitaw sa pagtatanong nina Senator Raffy Tulfo at Senator Alan Peter Cayetano sa Department of Information and Communications Technology (DICT) sa naging pagdinig sa senado.
Ayon kay Sen. Tulfo, posibleng nataniman na ng virus ang mga equipment na inimport mula sa China kung saan, nasa Chinese characters ang manual at hindi umano alam na i-operate ng mga pilipinong technician.
Kinwestiyon din ni Senator Cayetano, kung wala bang regulasyon ang gobyerno para suriin ang mga imported equipment kung may nakabaon nang virus o worm at kung may vulnerability.
Ayon kay Asssistant Secretary Renato Paraiso ng DICT Legal Affairs, walang regulasyon ang gobyerno sa importasyon ng nasabing equipment dahil 2021 pa napaso ang isang kasunduan ng DOST, Department of Budget and Management at National Economic and Development Authority na nag uutos na inspeksyunin ang mga technology equipment na binibili ng gobyerno.
Sinabi naman ni DICT Undersecretary David Almirol, na wala silang kakayanan na magsuri dahil kulang ang kanilang pondo at mga tauhan kaya hindi na mamaximize ang kanilang cybersecurity bureau.
Binigyang diin naman ni Anti – Red Tape Authority o ARTA OIC Rabindranath Quilala , na dapat sinusuri ng NGCP ang mga piesa at kagamitan mula sa China at dapat itong pag-aralan.
Iginiit naman ni Sen. Tulfo, na hindi kailangang bumili ng equipment sa China at kung meron man, dapat isoli na ito.