Tiniyak ni Senate Committee on Heath Chairman JV Ejercito na mananagot sina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating Budget Secretary Butch Abad at dating Health Secretary Janet Garin kaugnay sa kontroberyal na Dengvaxia vaccines.
Ayon kay Ejercito , batay sa kanilang ginawang pag – uusap ni Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon, kasama sa laman ng committee report na kanilang ilalabas ang rekomendasyon na kasuhan ang mga pasimuno sa pagbili ng naturang bakuna.
Kabilang aniya sa mga kasong maaaring isampa laban sa mga dating opisyal ang mga kasong technical malversation at negligence.
Giit pa ni Ejercito, malinaw na lumabas sa imbestigasyon na minadali ang pagbili ng bakuna at hindi sinunod ang rekomendasyon ng mga eksperto sa posibleng epekto nito sa kalusugan.
Bukod sa mga dating opisyal ng gobyerno, irerekomenda rin aniya ang pagsasampa ng kaso laban sa Sanofi Pasteur dahil sa umanoy itinago nitong mahahalagang impormasyon kaugnay sa Dengvaxia.
-Cely Ortega-Bueno