Sinimulan nang patunugin ng mga parokya sa ilalim ng Archdiocese of Manila kagabi ang mga kampana sa loob ng limang minuto.
Ito’y bilang pag-aalay ng panalangin para sa mga nabibiktima ng walang habas na patayan sa mga ikinakasang operasyon ng pulisya sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Dakong alas-8:00 kagabi nang patunugin ang mga kampana sa Manila Cathedral sa saliw ng awiting ‘Pananagutan’ bilang bahagi ng panalangin ng simbahan para sa mga biktima ng patayan.
Kasunod nito, umapela si incoming CBCP o Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Vice President at Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa mga kaanak ng biktima at mga saksi ng extrajudicial killings na manindigan para sa katotohanan.
Giit ng obispo, hindi isolated case ang kinasapitan ng mga kabataan sa kamay ng pulisya tulad nila Kian Loyd Delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman na pawang mga taga-Caloocan.
SMW: RPE