Muling umalingawngaw ang mga kampana sa lahat ng simbahang sakop ng Archdiocese of Manila para alalahanin at ipangalangin ang mga biktima ng iba’t ibang uri ng karahasan partikular na ng pagpatay.
Ito’y sa harap na rin ng panawagan ng simbahan sa pamahalaan na kumilos para tuluyang masugpo ang sunud-sunod na kaso ng pamamaslang lalo na sa mga pari.
Batay sa inilabas na kalatas ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, patutunugin ang mga kampana sa loob ng siyam na araw tuwing alas-8:00 ng gabi na nagsimula kahapon, Hunyo 13 at magtatagal hanggang Hunyo 21.
Una rito, ipinag-utos na rin ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa kaniyang mga nasasakupang parokya na gawin ang kahalintulad na hakbang upang kondenahin ang pagpatay kay Fr. Richmond Nilo at iba pang pari na biktima ng karahasan.
Samantala, isinusulong naman ni Senadora Risa Hontiveros ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga kaso ng pananambang at pagpatay sa mga pari.
Nais ng senadora na malaman kung bahagi nga ba talaga ng Oplan Tokhang ng pamahalaan ang mga insidente ng pamamaril sa mga alagad ng simbahan para patahimikin ito sa pagbatikos sa administrasyon.
—-