Binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga senatorial candidate ng oposisyon na ‘Otso Diretso’.
Sa campaign rally ng ruling party na PDP-Laban sa Zamboanga City, binanatan ni Pangulong Duterte na walang ibang alam gawin ang ‘Otso Diretso’ na pawang nagmula sa Liberal Party kundi batikusin ang mga polisiya ng gobyerno.
“Ipalit mo yang ‘Otso Diretso” papuntang impyerno. Sa totoo lang. Walang ginawa yang mga tao na yan. Puro criticize. Di pa maniwala.”
Inisa-isa rin ng pangulo ang mga taga-oposisyon tulad nina Senador Bam Aquino at dating congressman Erin Tañada.
“Erin Tañada, left. Proud sila diyan sa left. They think that it is popular. Kita mo, ang kakapal ng mukha ng… nagawa pa ng ticket ‘Otso Diretso’. Bam Aquino. Maski ano ka pa malayo ka sa… hanggang mukha ka lang. Ano bang significante na nagawa mo?”
Sinupalpal naman ng punong ehekutibo ang pagiging balimbing umano ng kanyang nakatunggali sa 2016 presidential elections na si dating senador at interior secretary Mar Roxas na kabilang sa ‘Otso Diretso’.
“Mar Roxas, susmaryosep. Hambogero man ito. Ewan ko. Gawin niyong senador, wala na ito. Napakita niya na. Kung yung kampanya, pinakita niya ang the best niya, hindi siya manalo kay Bong sa totoo lang.”
Hindi rin nakaligtas sina Chel Diokno, Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano at Atty. Romulo Macalintal sa pambubuska ni Pangulong Duterte.
“Kalayo niya sa tatay niya, yung si W. Diokno? Yun ang kuyaw. Pero ito, wala ito. Tingnan mo magsalita. Walang kaano-ano. Basig mag-istorya man ito ng gobyerno, ‘masusunog kami doon…kawawa naman kami’. Hindi mo madala ang gobyerno. Itong si Alejano, walang sense magsalita. Macalintal, abogado. Abogado ka lang kung may pera ka. Papasok yan wala kang pera.”
Samantala, pumreno naman ang pangulo sa nag-iisang babaeng kandidato ng opisisyon na si Samira Gutoc.
“Kay Samira, babae man yan, ayoko magsalita diyan. Ganon ang rule eh. Kapag babae ang kalaban mo, you’ll just shut up.”
—-