Bukas ang Philippine National Police (PNP) na ipagamit ang kanilang pasilidad para sa mga kandidatong nagnanais sumailalim sa drug test.
Ito’y matapos ang ginawang pagpapadrug test ng tambalang Sen. Panfilo Lacson at Senate President Tito Sotto sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, bagaman walang batas na nag-oobliga sa mga kandidato, hinihikayat pa rin nila ang mga ito para sumailalim sa drug test upang patunayan sa publiko na hindi sila gumagamit ng iligal na droga.
Una nang nagpasaring si Pangulong Rodrigo Duterte na may isang Presidential aspirant na gumagamit umano ng cocaine subalit wala namang pahiwatig sa mga kinauukulang law enforcement agency kung sino ito.
Kasunod nito, binigyang diin ni Carlos na ang kaniyang reaksyon sa naging pahayag ng Pangulo ay hindi isang hamon sa mga kandidato kungdi isang panawagan o panghihikayat para gawin kung ano ang tama. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)