Bukas ang Philippine National Police (PNP) na ipagamit ang kanilang pasilidad para sa mga kandidatong nagnanais sumailalim sa drug test.
Ito’y matapos ang ginawang pagpapa-drug test ng dalawang kandidato sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon.
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, bagaman walang batas na nag-oobliga sa mga kandidato, hinihikayat pa rin nila ang mga ito na sumailalim sa drug test upang patunayan sa publiko na hindi sila gumagamit ng ilegal na droga.
Una nang nagpasaring si Pangulong Rodrigo Duterte na may isang presidential aspirant na gumagamit umano ng cocaine, subalit wala namang pahiwatig sa mga kinauukulang law enforcement agency kung sino ito.
Kasunod nito, binigyang-diin ni Carlos na ang kaniyang reaksyon sa naging pahayag ng Pangulo ay hindi isang hamon sa mga kandidato kundi isang panawagan o panghihikayat.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala sa panulat ni Airiam Sancho