Pawang mga “bobo” ang mga kandidatong humihingi ng mga paksang tatalakayin bago ang aktuwal na debate.
Reaksyon ito ni Retired University of the Philippines–Political Science Professor Clarita Carlos sa pasya ng COMELEC na ibigay sa ilang presidential at vice presidential candidate ang magiging mga general topic sa debate sa March 19.
Ayon kay Carlos, sa 55 taon niya sa pagtuturo, hindi naman niya ibinibigay sa estudyante ang mga itatanong sa final examination.
Dapat anyang magbasa ang mga kandidato, gaya ng mga issue sa international politics at alamin ang domestic concerns dahil hindi naman pagtitinda ng taho sa kalsada ang magiging trabaho ng pangulo.
Bagaman hindi mapipilit ang sinumang dumalo sa mga debate, binigyang-diin ni Carlos na dapat abangan na lamang ng mga kandidato ang kanilang magiging dagdag at bawas puntos sa hindi pagdalo.