Posibleng pagbayarin ng Commission on Elections ang mga kandidatong mayroong oversized poster at naglalagay ng kanilang campaign materials sa mga ipinagbabawal na lugar.
Inirekomenda ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na mag-hire ang poll body ng magbabaklas ng mga illegal campaign materials at singilin ang mga kandidato.
Ito, ayon kay Guanzon, ay bilang leksyon sa mga pulitiko sa kabila ng ultimatum ng COMELEC na mayroon lamang hanggang Pebrero 14 ang mga kandidato upang baklasin ang mga campaign poster.
Partikular na tinukoy ni Guanzon si dating presidential adviser on political affairs Francis Tolentino na mayroong malaking billboard sa Pasay City.
Sa ilalim ng COMELEC rules, ang mga poster na gawa sa tela, papel, o cardboard ay hindi hihigit sa 2 by 3 feet habang hindi hihigit sa 3 by 8 feet ang mga streamer.