Papatawan ng dagdag na buwis ang mga kargamentong papasok sa Manila North Harbor simula sa susunod na buwan.
Ito ay matapos na aprubahan ng Philippine Ports Authority o PPA ang dagdag na 24 porsyentong buwis para sa cargo holding tariff.
Ayon sa Manila North Harbor Port Incorporated, ang pagtataas ay para matugunan ang mas mataas na gastusin sa operations cost.
Ipatutupad ang dagdag na buwis sa loob ng tatlong taon na tig-walong porsyento na sisimulan sa Hulyo hanggang sa 2019.
Samantala, pinalagan ng grupo ng mga consumer at negosyante ang pagpapataw ng dagdag na buwis sa mga kargamentong papasok sa Manila North Harbor.
Ayon kay Rodolfo Javella, Pangulo ng United Filipino Consumers and Commuters, siguradong ipapataw sa mga mamimili anuman ang maging pagtaas sa singil sa mga pumapasok na produkto.
Aniya, nakapag-aalala ito dahil posibleng sumabay ito sa inaasahang pagtaas naman ng singil sa mga produktong petrolyo kapag naisabatas ang tax reform law.
Hindi rin sang-ayon dito si Philippine Exporters Confederation Incorporated President Sergio Ortiz – Luis Junior.